Pumalo na sa 79 ang bilang ng mga bloke-bloke ng shabu na nakukuha sa karagatang sakop ng Ilocos Sur.
Ito ang iniulat sa Kampo Crame ni Police Regional Office 1 Director, Police Brigadier General Lou Evangelista matapos na makakuhang muli ang mga tauhan nito ng 19 pang karagdagang bloke sa bayan ng Magsingal kahapon.
Ayon kay Evangelista, ito na ang ika-4 na batch ng mga bloke ng iligal na droga na nakukuha ng mga awtoridad matapos itong mamataang palutang-lutang sa karagatan.
Dahil dito, tinatayang aabot na sa mahigit kalahating bilyong piso (₱537.2-M) ang halaga ng mga nakukuhang iligal na droga sa karagatan kung pagbabatayan ang pagtaya ng Dangerous Drugs Board na ₱6.8-milyong piso kada kilo.
Magugunitang natagpuan noong Lunes ang 24 na bloke ng shabu sa San Juan, Ilocos Sur na sinundan naman ng 18 bloke pa na nakuha naman sa bayan ng Caoayan at dinala sa Sta. Maria Police noong Miyerkules.
Habang nadagdagan pa ito ng 18 pang bloke ng shabu na nakuha ring palutang-lutang may 42 nautical miles mula naman sa dalampasigan din ng Magsingal. | ulat ni Jaymark Dagala