Ipinahayag ng Bureau of Customs (BOC) ang buong suporta nito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatupad ng 24/7 shipment process upang tugunan ang tumataas na dami ng mga import.
Layunin ng nasabing inistiyatibo na matiyak ang tuloy-tuloy na pagproseso at pagpapalabas ng kargamento sa mga pantalan ng bansa.
Pero ayon sa BOC, upang makamit ito, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga pangunahing stakeholders na kinabibilangan ng mga shipping line, operator ng terminal at warehouse, trucking industry, at iba pa.
Dahil ayon sa ahensya, ang pinagsamang pagsisikap ng mga ito ay mahalaga upang mabawasan ang mga pagkaantala at maiayos ang mga kargamento sa iba’t ibang yugto ng customs.
Pinaigting din ng BOC ang pagpapadali ng kalakalan sa pamamagitan ng mga digitalization project na naglalayong mapabuti ang pangkalahatang kahusayan at mga proseso ng customs.
Nananatili namang tapat ang BOC sa misyon nito na pasiglahin ang kalakalan sa bansa kasabay ng pagsunod sa mga pamantayan sang-ayon din sa mga direktiba ni Pangulong Marcos. | ulat ni EJ Lazaro