Ipinanawagan ng Bureau of Customs (BOC) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga pamilya na kunin na ang 294 na natitira pang hindi pa nakukuhang balikbayan boxes na nasa kanila pang pangangalaga.
Ayon sa BOC, iniwan ng mga forwarder ang mga nasabing balikbayan box matapos dumating mula sa Kuwait noong Pebrero 12, 2023.
Nauna nang matagumpay na naipamahagi ng BOC ang iba pang mga boxes na umabot na sa higit sa 10,000 ngunit may 294 pang kahon ang nananatiling hindi pa nakukuha at nakaimbak sa Port Net Logistics, Inc. CFS Warehouse sa Santa Ana, Maynila.
Para sa listahan ng mga unclaimed boxes maaaring bisitahin ng mga recipients ang website ng BOC at kinakailangang magpakita ng kaukulang dokumento kung magke-claim, kasama ang pasaporte ng nagpadala, isang valid ID, at proof of shipping.
Kinakailangan namang magdala ng authorization kung ang tatanggap ay isang representative.
Ipinanawagan naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang kooperasyon upang matiyak na makararating sa mga nararapat na tatanggap ang mga hindi pa nakukuhang balikbayan boxes. | ulat ni EJ Lazaro