Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng local officials maging sa mga mismong kawani ng DSWD, na pananagutin ang mga ito sa oras na mapatunayang sangkot sila sa pagkaltas ng ayudang ibinibigay sa mga benepisyaryo ng tanggapan.
Pahayag ito ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, kasunod ng nag-viral na video ng isang buntis sa Davao del Sur kung saan binawasan ng barangay official ang P10,000 ayuda nito, at nauwi sa P1,500.
Sa panayam sa Isabela, sinabi ng kalihim na walang karapatan ang sinuman na kaltasan ang ayudang ibinibigay ng DSWD sa mga benepisyaryo nito.
Ayon kay Secretary Gatchalian, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon kinaltasan ng barangay officials ang ayuda ng ginang upang maparte-parte at maipamigay sa mas maraming tao.
Sabi ng kalihim, hindi nila palalagpasin ang ganitong gawain kahit pa isolated case lamang ito.
Dahil dito, magsasampa ng patong-patong na kaso ang DSWD laban sa mga sangkot na barangay officials.
Kabilang ang kasong administratibo at kriminal, grave abuse of authority, graft and corruption, intimidation at robbery.
Sabi ng kalihim, magsilbi sana itong babala sa iba pang barangay officials na nagbabalak samantalahin ang mga benepisyaryo. | ulat ni Racquel Bayan