Patuloy na naka-monitor ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa lagay ng piso kontra dolyar.
Sa press conference, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona, may mga araw na may intervention ang central bank sa dollar exchange rate upang maiwasan ang “sharp depreciation” ng Philippine currency.
Kahapon nagsara ang palitan ng piso sa dolyar sa halagang P58.75 kung saan nag intervene ang BSP upang hindi tuluyang bumaba ang halaga ng piso sa dolyar kumpara sa pinkahuling P58.86 na palitan kamakailan.
Ang “forceful intervention” ng BSP ang humadlang sa local currency na tumama sa 20-month low.
Ang naging aksyon ng central bank ay indikasyon na handa ito na depensahan ang piso laban sa “speculative attacks”.
Muling iginiit ng BSP Chief, na ang “pass through” effect ng mababang halaga ng piso sa inflation ay hindi gaanong malaki o katumbas lamang ng .36 percent sa bawat one percent na depreciation ng piso.
Una nang tiniyak ng BSP, na sapat ang dollar reserves ng bansa upang depensahan at matiyak ang katatagan nito. | ulat ni Melany Valdoz Reyes