Hindi nagparamdam ng pag-aalburoto ang bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na magdamag.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), walang naitalang volcanic earthquake sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Huli itong nagbuga ng sulfur dioxide kahapon na umabot sa 4,395 tonelada at plume ng hanggang 200 metro ang taas.
Katamtaman lamang ang pagsingaw at napadpad sa Hilagang Silangan.
Gayunman, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa four-kilometer radius permanent danger zone sa bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatili pa ring nakataas sa alert level 2 ang status ng Kanlaon at hindi isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng biglaang pagputok nito. | ulat ni Rey Ferrer