Nagpahayag ng suporta si Quezon City Councilor Alfred Vargas sa plano ng Commission on Higher Education (CHED) na pagbalangkas ng isang “masterplan” bilang sagot sa kakulangan sa healthcare workers ng bansa.
Bilang pangunahing may-akda ng Doktor Para sa Bayan Act na nagtatatag ng medical scholarships para sa mga kwalipikadong estudyante, binigyang-diin ni Vargas na kailangan ng whole-of-government strategy sa malaking suliranin ng healthcare worker shortage.
“Mas lalo nating nakita na dapat nating pahalagahan ang kapakanan ng ating healthcare professionals nitong nakaraang pandemya. COVID-19 has exposed many weaknesses in our healthcare system and, unfortunately, it has shown how many sectors have failed our pandemic’s unsung heroes,” ayon kay Vargas.
Dagdag ni Vargas, isang malaking hakbang ang planong masterplan ng CHED sa pagtugon ng healthcare worker shortage sapagkat isinasaalang-alang nito ang demand ng healthcare industry para sa iba’t ibang propesyon.
Ayon sa Department of Health (DOH), humigit-kumulang 190,000 healthcare workers ang kinakailangan para punan ang healthcare system “gap” ng bansa.
“Kinikilala rin natin ang efforts ng DOH sa ilalim ng ating masigasig na Health Secretary, Doc Ted Herbosa. He has shown an unmatched resolve in addressing this long-standing problem at mahalaga ang pahayag niyang dapat tayong mag-focus sa primary care na nakatuon sa pag-iwas ng sakit,” ani Vargas. | ulat ni Merry Ann Bastasa