Iaapela ni Sagip Party List Cong. Rodante Marcoleta kay House Speaker Martin Romualdez na muling isalang sa deliberasyon ng Kamara ang panukalang Absolute Divorce Bill.
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel sa Maynila, nais hilingin ni Marcoleta sa liderato ng Kamara na isalang sa huling pagkakataon ang panukalang diborsyo.
Sabi nya, malaki ang bilang ng mga mambabatas na bomoto ng abstain na maaaring may mga agam-agam sa nasabing panukala.
Sa ngayon, nasa 129 na mga Kongresista ang bomoto ng pabor habang mahigit 30 ang nag-abstain.
Hindi raw pangkaraniwan ang bilang ng mga nag-abstain sa isang panukala na tinatalakay sa Kamara.
Pero kung hindi daw siya papayagan ni Speaker Romualdez na isalang sa isa pang plenary debate ang absolute divorce bill ay lalaban pa rin siya ng debate sa bicameral conference committee sakaling aprubahan ito ng Senado.
Isa si Marcoleta sa mga bomoto na hindi pabor sa diborsyo dahil kailangan maalagaan ang isang pamilya.
Sa usapin ng domestic violence, nais ng mambabatas na manghimasok ang Estado para panatilihin buo ang pamilyang Pilipino. | ulat ni Michael Rogas