Magtutulungan na ang Department of Agriculture (DA) at mga stakeholder ng industriya ng bigas para maghanap ng paraan na maibaba ang presyo ng bigas.
Ang inisyatibang ito ay alinsunod sa pagsisikap ng pamahalaan para maibaba ang presyo ng pangunahing pagkain sa bansa.
Nagpatawag ng pulong ang DA sa mahigit isang dosenang stakeholder ng industriya ng bigas para talakayin ang nasabing usapin .
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas abot-kayang presyo ng bigas upang mapagaan ang financial strain sa mga mamimili, partikular na ang mahihirap.
Nauunawaan naman ng rice industry stakeholders ang inisyatiba ng pamahalaan at handa silang
makipagtulungan dito.
Matatandaang tumaas ang global prices ng butil mula nang ipagbawal ng India ang pag-export ng non-basmati rice noong Hulyo ng nakaraang taon at mga concern sa mga hadlang sa supply dahil sa El Niño.
Sinubukan ng gobyerno ang pagbenta ng bigas sa halagang Php 29 kada kilo sa mga piling KADIWA Centers, at ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na bawasan ang taripa ng rice imports.| ulat ni Rey Ferrer