Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng mas mahigpit na pag-iinspeksyon sa lahat ng imported na cattle meat at meat by-products na pumapasok sa bansa.
Kasunod ito ng kautusan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na temporary ban sa importasyon ng cattle meat products mula sa United Kingdom dahil sa naitalang kaso ng Bovine Spongiform Encephalopathy (BSE) o “Mad Cow Disease.”
Sa ilalim ng Memorandum Order 20, kabilang sa ban ang live cattle, meat, meat products, bovine processed animal proteins, at cattle semen mula sa UK.
Ayon sa DA, bahagi ito ng precautionary measures ng kagawaran para masigurong maiiwasan ang posibleng banta ng mad cow disease sa local livestock industry at maging sa mga consumer.
Kasunod nito, titiyakin naman ng DA na magiging mahigpit ito sa lahat ng ports of entry para masigurong tanging mga non-infected meat products ang makakapasok sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa