Nananatili pa rin ang target ng Department of Agriculture na maabot ang 20.44 milyong metriko toneladang produksyon ng palay ngayong 2024.
Ayon kay DA Usec for Rice Industry Development Christopher Morales, kumpiyansa pa rin silang maaabot ang naturang target sa tulong ng mga ipinatutupad na mekanismo ng kagawaran para mapaangat ang produksyon ng bigas.
Kabilang dito ang patuloy na pagpapatupad ng RCEF, pagtutulak ng hybrid rice program, at ang contract farming sa pamamagitan ng National Irrigation Administration.
Nariyan din aniya ang kolaborasyon ng DA sa pribadong sektor para sa mga hindi nahahagip ng programa ng DA.
Aminado naman ang DA na may mga external factors pa rin na maaaring makaapekto sa rice production ngunit patuloy naman din aniya ang kanilang pagsisikap para matugunan ito.
Una nang sinabi ni DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa na kakayanin pa rin naman ng sektor na maabot ang target projection (MT) sa pagtatapos ng taon sa kabila ng nakaambang banta ng La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa