Positibo ang Department of Agriculture na tataas ang imbentaryo ng bigas na aabot 3.64 million metric tons sa pagtatapos ng taon sa gitna ng epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Operations U-nichols Manalo, ang inaasahang volume ay katumbas ng mahigit 93 araw ng national rice consumption o lampas sa 1.9 million metric tons na naitala noong Disyembre 2023.
Sinabi ni Usec Manalo,na siya ring Director ng National Rice Program ng DA, na tanging 191,233 metric tons ng bigas o katumbas ng dalawang porsyento ng 9.2 million metric tons sa dry cropping season ang nasira ng El Niño.
Sakaling maisakatuparan ang inaasahang imbentaryo ng bigas sa pagtatapos ng taong 2024, ito na ang pinakamataas na imbentaryo at mas mataas sa 3.42 million metric tons na naitala noong 2010 batay sa pagtaya ng Philippine Statistics Authority .
Samantala, apat na porsyento o katumbas ng 188,861 metric tons sa target na 4.5 million metric tons ng mais naman ang naapektuhan ng El Niño.
Binigyang diin ng opisyal na patunay lamang ito na hindi gaanong naapektuhan ang suplay ng bigas at mais sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer