Pinagbigyan ng National Water Resources Board (NWRB) ang hirit ng Manila Water Sewerage System (MWSS) na palawigin pa ang dagdag alokasyon ng tubig sa Angat Dam para sa mga customer ng Maynilad at Manila Water.
Dahil dito, mula sa kasalukuyang 51 cubic meters per second ay itataas sa 52cms ang alokasyon ng tubig ng Metro Manila sa Angat Dam simula sa June 16-30.
Paliwanag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Primo David, huhugutin sa alokasyon na para sa irigasyon ang ilalaang dagdag na 1cms sa Metro Manila.
Pumayag na aniya dito ang NIA lalo ngayong nagsisimula nang umulan at hindi na gaanong kailangan ang tubig mula sa dam.
Kaugnay nito, nilinaw din ni David na hindi naman regular na ibibigay sa water concessionaires ang alokasyon dahil patuloy pa ring magpapatupad ng operational protocols ang MWSS kung saan ginagamit ang local inflows sa mga watershed kapag nagkakaroon ng malakas na pag-ulan nang matipid ang tubig na mula sa Angat Dam.
Una nang sinabi ng MWSS na mahalaga ang buffer sa kanilang water allocation nang walang lugar sa Metro Manila ang makararanas ng mahabang water service interruptions. | ulat ni Merry Ann Bastasa