Inaaral ngayon ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang paghahain ng panukalang batas upang madagdagan ang subsidiya at suportang ibinibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka.
Kasunod ito ng pagpapababa sa taripa ng inaangkat na bigas sa 15% mula sa dating 35%
Ayon kay Hataman, sa inaasahang pagbaba ng presyo ng imported na bigas dahil sa pagbaba ng taripa, ay maaaring hindi naman makasabay ang ating mga magsasaka at hindi nila maibenta ang kanilang ani.
Tinukoy ng mambabatas na may average na P25.21 ang farmgate price ng palay nitong Pebrero at hindi aniya nila kakayanin makipag kompitensya sa imported na bigas.
“With this, I call on the government to increase financial subsidies to our rice farmers. Isama din sana sila sa mga ayuda ng pamahalaan at iba pang programa para sa mahirap. We are an agricultural country with a slowly dwindling farmer population. Hindi naman pwedeng umasa tayo sa rice imports na lang,” giit ni Hataman.
Hiling din ng Basilan solon na dagdagan ang mga magsasaka na makakatanggap ng ayuda ng iba pang mga ahensya gaya ng AICS at AKAP ng DSWD.
“Ang hiling natin, isama na ang ating magsasaka sa mga ayuda na labas sa mga programa ng Department of Agriculture, dahil malaking tulong ang kanilang kakailanganin para makipagkumpetensya sa merkado,” sabi pa niya
Gawing prayoridad din aniya dapat ng pamahalaan, partikular ng NFA, sa pagbili ng bigas ang lokal na mga magsasaka lalo na sa nalalapit na amyenda ng Rice Tariffication Law.
“Hiling din natin sa kasalukuyang administrasyon, i-prioritize natin ang ating rice farmers kapag bumibili ng bigas ang pamahalaan. This should be a matter of national policy,” dagdag ni Hataman. | ulat ni Kathleen Forbes