Inaresto sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese national na nandito sa bansa na wanted para sa mga krimen sa kanilang bansa.
Sa pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco, naganap ang pag-aresto sa mga Chinese fugitives sa magkahiwalay na mga operasyon sa Parañaque at Pasay noong June 19.
Kinlala ang mga ito na sina Zhu Tingyun, 43-anyos, at Wang Yun, 30-anyos kapwa inaresto ng BI Fugitive Search Unit.
Naaresto si Zhu sa kanyang tirahan sa Barangay Tambo, Parañaque habang si Wang ay nahuli sa Metrobank Avenue, Pasay.
Sinasabing akusado si Zhu sa pamumuno sa isang sindikatong nagpapatakbo ng ilegal na online gambling site na kumikita sa mahigit sa 40 biillion yuan o katumbas nsa humigit kumulang sa $4.1 billion. Samantalang may kaso naman ng pangingidnap si Wang sa Jinjiang City.
Nakatakda namang ipa-deport ang dalawang Chinese fugitive kasabay ng pagkansela sa kanilang mga pasaporte at paglagay ng kanilang pangalan sa blacklist upang hindi na makabalik ng bansa.
Kasalukuyang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang puganteng Chinese. | ulat ni EJ Lazaro