Matapos ang ilang taong pangangalaga ng Philippine Eagle Foundation mula nang masagip, ay pinakawalan na ngayong umaga sa kabundukan ng Burauen, Leyte ang dalawang Philippine eagle na sina ‘Carlito’ at ‘Uswag’.
Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources, PEF, at iba pang mga organisasyon kasama ang Australian Embassy sa Pilipinas ang pagbabalik sa wild nina ‘Carlito’ at ‘Uswag’.
Ang dalawang agila ay magiging simbolo ng Philippine Eagle Reintroduction Program ng pamahalaan na naglalayong paramihin ang nanganganib nang maubos na lahi ng agila na itinuturing na pambansang ibon ng ating bansa.
Sa rekord ng PEF at DENR, ang anim na taong gulang na agilang si Carlito ay maysakit nang ma-rescue sa Agusan del Sur noong March 2022 habang si Uswag na tatlong taong gulang ay sugatan naman at may tama naman ng bala nang masagip sa Mount Apo noong August 2023.
Mula sa Davao City, ang dalawang agila ay inilipad ng C295 ng Philippine Air Force patungo sa Leyte para sa makasaysayang pagpapakawala sa 4,000-hectare kabundukan ng Marabong Watershed na matatagpuan sa Kagbana Village, Burauen, Leyte.
Batay sa huling rekord ng International Union for Conservation of Nature, sa kasalukuyan ay nasa 400 na lamang ng Philippine eagle ang pinaniniwalaang nasa mga kabundukan sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa