Nagpaabot ng kaniyang pagbati si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga kapatid na Muslim ngayong ipinagdiriwang nila ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng kalihim na ang okasyon ay isang panawagan ng pagtitiwala kay Allah sa kaniyang karunungan at plano.
Gaya na lamang aniya ng ginawang pagtitiwala ng Propeta Ibrahim nang i-alay nito ang kaniyang anak na si Ishmael kay Allah bilang mahabagin at mapagpalang Diyos.
Hangad ni Teodoro para sa mga kapatid na Muslim na tanggapin nawa ni Allah ang kanilang Hajj o ang pagtungo sa banal na lungsod ng Meccah na siyang sentro ng pagdiriwang.
Panalangin din ng kalihim para sa bansa, kapayapaan at pagkakaisa ng lahat ng komunidad bilang isang bansa sa kalooban ni Allah. | ulat ni Jaymark Dagala