Nagsagawa ng site visit at study tour ang 45-man delegation ng World Bank sa mga solid waste diversion facility ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Vitas Pumping Station sa Tondo, Manila.
Ang naturang pagbisita ay bahagi ng international support mission ng World Bank para sa Metro Manila Flood Management Project Phase 1.
Layon ng proyekto na mabawasan ang mga pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga pumping station, pagtatayo ng mga bagong drainage system, at pagbawas ng dami ng basurang napupunta sa mga daluyan ng tubig.
Ayon sa MMDA, ininspeksyon ng grupo ang iba’t ibang integrated solid waste diversion facilities gaya ng solid waste granulator, glass bottle crushing machine, plastic processing equipment, at iba pa.
Tinalakay din ang gamit ng mga ito upang mabawasan ang basura sa mga daluyan ng tubig.
Napag-usapan din ang mga naging hamon sa implementasyon ng proyekto at ang planong pagkakaroon ng centralized at decentralized materials recovery facility sa mga susunod na taon. | ulat ni Diane Lear