Pinayuhan ni House Committee on Basic Education and Culture chair Roman Romulo ang DEPED at DSWD na mag usap para maayos ang ilan sa mga isyu sa Tara Basa! Program bago ang Phase 2 ng programa sa Hulyo.
Ayon sa mambabatas ang ipinatawag na briefing ng komite ay bahagi ng oversight function ng Kamara upang masiguro ang pagiging epektibo ng programa at nagagamit ng tama ang pondo.
“I think you have to do pencil pushing before you launch (Phase 2). May mga batas kasi na na-mention, like the Safe Spaces Act, at yung sa Parents Effectiveness Service Act. I think the DSWD and the DepEd have to meet on that. DSWD has to be collaborative with DepEd bago ninyo ma-launch ito,” sabi ni Romulo.
Partikular na tinukoy ni Romulo ay ang kung ano ang ginamit na measurement upang masukat at masabi na matagumpay ang Tara Basa para umusad sa Phase 2.
“Ano ung measurement ninyo para masabi na successful siya (‘Tara Basa’) o hindi? Hindi na pwede yung inputs, yung sasabihin ninyong Ateneo ang nagpapalakad nito, that means nothing. At the end of the day, kailangan natin outcomes-based. Gusto naming malaman bakit ninyo naisip mag-phase 2,” tanong ni Romulo.
Isa naman sa hamon na nakikita ng DSWD at DEPED ay ang consistency ng kinukuhang student tutors. May pagkakataon kasi na hindi napapasukan ang Tara Basa tutoring session dahil may conflict sa kanilang pasok sa eksuwela.
Nais rin ng DEPED na magkaroon ng shadow teachers sa phase 2 ng programa.
Ito ay bilang proteksyon ng mga mag-aaral na benepisyaryo ng Tara Basa at pagkakaroon ng accountability sakaling may mangyaring hindi inaasahan sa tuturong session.
Ngunit ayon sa sa DSWD Social Technology Bureau, malinaw na nakasaad sa nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) na hindi kasama ang mga guro
“Naka-stipulate kasi doon during the signing of the MOU, hindi dapat i-disturb ang teachers from their work, so kasama na i-disallow ang involvement ng teachers. Regarding child protection, nandudoon ang mga parents, nasa area lang, vicinity (of the tutorial area). At the same time, kumuha din kami ng consent sa mga parents para i-entrust ang mga bata during the (tutorial) session,” paliwanag niya.
Maliban dito, sabi ng DEPED na dapat mga teacher ang nag-tutor dahil mayroong siyensya pagdating sa pagtuturo kung paano bumasa.
Dahil naman dito sabi Romulo na dapat magkasundo at maplantsa muna ng DSWD at DEPED ang mga hamon bago tuluyang ilunsad ang phase 2 ng programa.| ulat ni Kathleen Forbes