Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kanilang Chinese counterpart para talakayin ang nangyaring panibagong insidente sa Ayungin Shoal.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na matapos ang nangyari sa Ayungin Shoal nitong June 17 ay agad nakipag-ugnayan ang DFA sa Chinese Ministry of Foreign Affairs at sa Chinese Embassy dito sa Pilipinas para ipahayag ang pagkondena ng ating bansa sa nangyari.
Ipinunto ng kalihim na labag ang insidente sa una nang napagkasunduan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping na dapat pangasiwaan ng maayos ang maritime differences ng ating mga bansa.
Sa kabila nito, patuloy pa rin aniyang isusulong ng Pilipinas ang diplomasiya at mapayapang resolusyon sa isyu.
Kaugnay nito, sa Hulyo ay target na makapagpulong ang DFA sa kanilang Chinese counterpart bilang bahagi ng kanilang bilateral consultation mechanism tungkol sa South China Sea.
Ayon kay Manalo, layon nitong makabuo ng solusyon para matugunan ng maayos ang mga isyu sa pinag-aagawang teritoryo at iba pa.
Idinagdag rin ni Manalo na nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga international partners ng Pilipinas at karamihan aniya sa mga ito ay nakikiisa sa ating posisyon tungkol sa kahalagahan ng international law o ng rules-based order. | ulat ni Nimfa Asuncion