Pinuri ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang National Bureau of Investigation (NBI) sa matagumpay na pag-aresto sa tatlong suspek na sangkot sa pag-hack ng mga website ng gobyerno at pribadong sektor, bangko, at Facebook accounts.
Sa isang pahayag, sinabi ng DICT na handa silang tumulong sa NBI bilang technical consultant at magbigay ng impormasyon upang mapalakas ang kaso laban sa mga suspek.
Ayon sa DICT, bahagi sila ng National Cybersecurity Interagency Committee (NCIAC) at ng mga working group nito na nagbabahagi ng intelligence at technical information tungkol sa mga kasong ito.
Tiniyak ng DICT na patuloy silang nakikipagtulungan sa mga law enforcement agency upang matukoy at mahuli ang mga pinaghihinalaang cybercriminal. | ulat ni Diane Lear