Sinabi ni DILG Sec. Benjamin Abalos Jr. na bubuo na ito ng isang task force para malalimang imbestigahan ang ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon sa kalihim, pinagre-report na nito ang regional director ng DILG sa Central Luzon kaugnay ng operasyon ng naturang POGO facility.
Giit ng kalihim, nais nitong maberipika kung wala nga ba talagang permit ang naturang POGO hub at kung paano tumagal ang operasyon ng naturang POGO sa Porac, Pampanga.
Magiging batayan naman ang imbestigasyon ng task force sa irerekomenda ng DILG kung may mga opisyal bang dapat na managot dito.
Kaugnay nito, inamin ni Sec. Abalos na ikinabahala nito ang mga nakitang tila uniporme na may markang People’s Liberation Army sa ni-raid na POGO hub.
Ayon sa kalihim, malaking banta ito kung sakali sa seguridad ng bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa