Rerepasuhin ng Department of Migrant Workers (DMW) ang umiiral na “right to refuse sailing” policy para sa mga Filipino seafarer na naglalayag sa itinuturing na high risk areas.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ito’y kasunod ng panibagong pag-atake ng Houthi rebels ng Yemen sa barko na may mga Pilipino crew.
Pag-aaralan ng DMW kung paano pa matitiyak ang seguridad ng mga naglalayag na Filipino seafarer.
Ayon sa ulat ng DMW, tatlong (3) barko na ang inatake ng Houthi na may sakay na Pilipinong crew.
Kabilang dito ang Galy Leader Ship na inatake noong Nobyembre 2023, True Confidence Ship nitong Marso at pinakahuli ang M/V Tutor ngayong Hunyo.| ulat ni Rey Ferrer