Halos 100 mga mangingisda ang dumulog sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Mandaluyong City upang magreklamo laban sa Buwan Tala Manning Inc.
Ang mga mangingisda ay naghain ng mga reklamo ukol sa hindi pagbabayad ng sahod, hindi regular na oras ng trabaho, at umano’y pagpapakain ng expired na pagkain.
Ayon sa mga mangingisda, sila ay kinontrata para magtrabaho sa mga barko sa Indian Ocean. Ngunit, hindi natupad ng ahensya ang kanilang mga pangako at naabuso ang kanilang karapatan bilang mga manggagawa.
Agad namang inaksyunan ng DMW ang reklamo sa pangunguna ni Atty. Geraldine Mendez, Chief ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), kung saan tinulungan ang mga mangingisda sa pagsasampa ng kanilang mga reklamo.
Tiniyak ng DMW na tutulungan nila ang mga mangingisda na makuha ang kanilang nararapat na sahod at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga hinaing.| ulat ni Diane Lear