Bagamat walang nasaktan at walang tinamong kahit anong injury ang 21 Pinoy crew ng MV tutor ay patuloy ang ginagawang assessment ng Department of Health (DOH) sa mga ito.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, kausap niya ang nasabing mga seafarer at sa tingin niya ay parang mga battle shocked ang mga ito o post-traumatic stress.
Ito aniya ang kanilang patuloy na inaalam gayundin ang pagbibigay ng psycho social support, dahil normal aniya sa isang tao na dumaan sa isang agaw buhay na pangyayari ang makaranas ng patuloy na krisis hanggang sa mga ilang buwan.
Sa ngayon ayon kay Herbosa ay sumasailalim ang nasabing mga tripulante sa iba’t ibang klase ng check-ups ng DOH, at bukas naman aniya ay inaasahan ang check-ups mula sa kanilang private insurance. | ulat ni Lorenz Tanjoco