Ibinahagi ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang dokumento na maaaring tumukoy ng totoong pagkakakilanlan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Base sa record mula sa Board of Investments tungkol sa application ng pamilya Guo para sa Special Investors Resident Visa at maging ng Bureau of Immigration, sinabi ni Gatchalian na posibleng Guo Hua Ping ang tunay na pangalan ng alkalde.
Ayon sa senador, itong si Guo Hua Ping ay pumasok ng Pilipinas noong January 12, 2003 o nung siya ay 13-years old pa lang at ang petsa ng kanyang kaarawan ay August 31, 1990.
Dinagdag rin ng senador na ang nakarehistrong ina nitong si Guo Hua Ping base sa dokumento ay si Lin Wenyi, na una nang pinaghihinalaang tunay na ina ni Mayor Alice.
Taliwas ito sa iginigiit ni Mayor Alice na isang Pinay na nagngangalang Amelia Leal ang tunay niyang ina.
Para kay Gatchalian, ang dokumentong ito ay magpapalakas ng Quo Warranto case laban sa alkalde. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion