Dose-dosenang kambing na inangkat mula sa Amerika, kinatay matapos na ma-detect ang Q-Fever

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagdesisyon ang Bureau of Animal Industry (BAI) na patayin ang mahigit 60 kambing na inangkat mula sa Amerika.

Ito ay matapos na matuklasan na may Q-Fever ang mga inangkat na kambing na dinala sa breeding station sa Sta. Cruz, Marinduque.

Agad na ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang agarang pagpatay sa lahat ng mga apektadong kambing at maging sa mga hayop na nakasalamuha ng mga ito.

Naglabas din siya ng temporary ban sa importasyon ng kambing mula Amerika, at ipinasuspinde ang ilang tauhan ng BAI habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay Secretary Laurel, ito ay isang seryosong isyu at ginagawa na aniya ng ahensya ang lahat upang matiyak na hindi malalagay sa peligro ang kalusugan ng mga Pilipino.

Samantala, tiniyak naman ng DA na magbibigay sila ng lahat ng kinakailangang tulong sa Lokal na Pamahalaan ng Sta. Cruz, Marinduque upang mapuksa ang sakit.

Ayon sa European Centre for Disease Prevention and Control, ang Q-Fever ay isang zoonotic disease na dulot ng Coxiella burnetii.

Kadalasan, walang sintomas na ipinapakita ang mga hayop na nahawa nito ngunit maaari itong maipasa sa tao sa pamamagitan ihi at dumi ng hayop. | ulat ni Diane Lear

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us