Iginiit ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa magkahiwalay na mga labor advisory na inilabas nito na dapat makatanggap ng naaayong sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor na papasok sa trabaho sa ika -12 ng Hunyo, Araw ng Kalayaan, at sa ika-17 ngayong buwan para naman sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, dapat sundin ng mga employer ang mga tuntunin sa sahod sang-ayon sa mga proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagsasabing regular holiday ang mga nabanggit na petsa.
Para sa magtatrabaho sa regular na holiday, tatanggap ang mga ito ng 200% ng kanilang karaniwang sahod para sa unang walong oras. Ang mga mag-o-overtime ay tatanggap ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate. Ang mga papasok naman sa kanilang araw ng pahinga na sakto sa holiday ay makakatanggap ng karagdagang 30% sa kanilang dobleng sahod. Kung mag-o-overtime pa sa ganitong araw, tataas pa ang sahod na may karagdagang 30%.
Subalit para sa mga empleyadong hindi naman papasok sa June 12 at 17, mababayaran pa rin ang mga ito ng 100 porsiyento ng kaniyang sahod sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence with pay sa mismong araw bago ang regular holiday.| ulat ni EJ Lazaro