Nakipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para maisama ang skills training sa Walang Gutom 2027: Food Stamp Program.
Nakipagpulong si DSWD Secretary Rex Gatchalian kay TESDA Secretary Suharto Mangudadatu kung saan tinalakay ang mga paraan kung paano maiuugnay ang pagsasanay ng TESDA bilang isa sa mga kondisyon para sa pagsali sa Food Stamp Program.
Kapag naisama na ito bilang isang kondisyon para sa programa, kailangang sumailalim ang mga benepisyaryo sa skills training ng TESDA para mabigyan sila ng kakayahang magtatag ng kanilang sariling maliit na negosyo na maaaring mapagkunan ng kita.
Sa ilalim ng FSP, nagbibigay ang DSWD ng Electronic Benefit Transfer na nagkakahalaga ng ₱3,000 kada pamilya upang ipambili ng mga benepisyaryo ng mga masusustansyang pagkain mula sa DSWD accredited local retailers. | ulat ni Merry Ann Bastasa