Muling nagpaalala ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag magpaloko sa kumakalat na video sa TikTok na nanghihingi ng personal na impormasyon dahil magbibigay umano ng scholarship allowance ang kagawaran sa lahat ng estudyante sa bansa.
Ayon sa DSWD, sila ay hindi nanghihingi ng personal na impormasyon online dahil ito ay paglabag sa Data Privacy Act.
Sa kumakalat na video na ibinahagi ng DSWD, kailangan munang mag-register sa pamamagitan ng isang link upang makasali sa tinutukoy na pekeng scholarship allowance.
Paalala ng DSWD, huwag basta basta maniwala sa nakikita sa social media at huwag mag-click ng anumang link na maaaring maka-kumpromiso ng personal na impormasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa