Nakaagapay pa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na naapektuhan ng pag-alburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa DSWD, umakyat na sa ₱25 milyon ang halaga ng tulong na naipaabot nito sa mga apektadong pamilya.
Naitala naman sa 15,511 na pamilya o halos 50,000 na indibidwal ang naapektuhan ng pag-alburoto ng bulkan.
As of June 17, mayroon pang 833 pamilya o 2,711 na indibidwal ang pansamantalang nananatili sa limang evacuation centers.
Una nang sinabi ng DSWD na patuloy pa rin itong naka-alerto para sa pagbibigay ng iba pang kakailanganin ng mga apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Katunayan, nakahanda pa ang ₱2.7 bilyon na relief resources nito kung kinakailangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa