Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Canlaon City, Negros Oriental na nakahandang tumulong ang pamahalaan.
Dumating sa Canlaon City si Secretary Gatchalian ngayong araw upang personal na alamin ang kalagayan ng mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.
Ayon kay Gatchalian, marching order sa kanya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Canlaon City at iba pang mga opisyal upang alamin kung ano pa ang mga kinakailangan nilang tulong.
Partikular ring ipinag-utos ng Pangulo ayon kay Gatchalian na siguraduhing walang magugutom at mapababayaan na mga residenteng apektado ng pagsabog ng bulkan.
Sa isang press conference ngayong hapon, sinabi ni Secretary Gatchalian na mayroon nang 50,000 family food packs ang DSWD na handa nang ipamigay sa mga apektadong pamilya hindi lamang sa Ngeros Oriental kundi sa iba pang mga lugar na sakop ng Negros Occidental na apektado rin ng nasabing kalamidad.
Maliban sa pamimigay ng food packs, tinitingnan rin ng DSWD ang pagbibigay ng ayuda sa pamamagitan ng mga programa ng ahensya katulad ng Assistance to Individuals Crisis Situation at Emergency Cash Transfer. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu