Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development na plantsahin ang listahan nito ng 4Ps beneficiaries na buntis at nagpapasuso na makakatanggap ng first 1,000 days grant.
Kasunod ito ng pag-apruba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr sa panukalang palawigin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para maisama ang mga buntis at nagpapa-breastfeed sa mga benepisyaryo.
Ayon kay 4Ps National Program Manager and Dir. Gemma Gabuya, mula sa kasalukuyang P750 na ayuda ay makakatanggap pa ng karagdagang P400 assistance ang mga benepisyaryong buntis at nagpapasuso.
Paliwanag nito, ang dagdag na ayuda ay para lubos na matutukan ang nutrisyon sa first 1,000 days na kritikal para sa mabilisang paglaki at development ng mga bata.
Paglilinaw naman ni Gabuya, tanging mga kasalukuyang miyembro lamang ng 4Ps na buntis at nagpapasuso ang kwalipikado sa naturang ayuda.
Tiniyak rin ng DSWD na tututukan ang mga bata sa loob ng panahon na ibinibigay ang grant kasama na ang buwanang pagtitimbang at pagbabakuna sa mga ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa