Prayoridad ng Land Transportation Office (LTO) ang pagproseso ng driver’s license at iba pang serbisyo ng ahensya sa E-Patrol Services ng LTO sa Rizal Park.
Sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza II, na ang deployment ng E-Patrol Services ay tatakbo mula ngayong araw, Hunyo 10, hanggang Martes, Hunyo 11.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan at bilang pagsuporta sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga taong nasa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Bukod sa pag-renew ng driver’s license, sinabi ni Mendoza na sasagutin din ng E-Patrol Services ang pagproseso ng student permit, at tatanggap ng mga reklamo sa pamamagitan ng Public Assistance Complaints Desk nito.
Dapat aniyang samantalahin ng mga aplikante ang deployment ng E-Patrol Services, dahil ang layunin nito ay matiyak ang komportable at mabilis na transaksyon para sa lahat ng kliyente ng LTO. | ulat ni Rey Ferrer