Umapela ang BAN Toxics sa Quezon City Government, na aksyunan ang talamak na bentahan sa lungsod ng skin whitening creams na nagtataglay ng kemikal na mercury.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxic, natuklasan nilang ibinebenta ang mga produkto sa mga beauty shop sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Kabilang sa mga ibinebenta ang matagal nang ipinagbabawal ng Food and Drugs Administration (FDA) tulad ng Goree Beauty Cream with Lycopene Avocado & Aloe vera, Goree Day & Night Beauty Cream Oil Free Total Fairness System at 88 Total White Underarm Cream.
Matatandaang may ipinasang ordinansa ang Quezon City na nagbabawal sa paggawa, distribusyon at pagbenta ng mercury-containing skin whitening cosmetics sa lungsod.
Sumulat na ang grupo sa City Health Department na humihiling na kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na produkto at ihinto ang iligal na pagbebenta nito. | ulat ni Rey Ferrer