Nagbawas na ng kinukuhang imported rice ang mga nagtitinda ng bigas sa Pasig City Mega Market.
Ito’y kasunod na rin ng pag-apruba ng pamahalaan sa mas pinababang taripa na ipinapataw sa mga inaangkat na bigas ng bansa.
Ayon sa ilang rice retailer, alalay na lamang muna sila sa mga kinukuhang imported rice upang mabilis itong maubos.
Sa ganitong paraan, mabilis din nilang mapapalitan ang mga imported rice na kanilang ibinebenta.
Kasalukuyang nakapako sa ₱60 ang kada kilo ng ilang imported na bigas tulad ng Thai Rice, Vietnam Rice, at Japanese Rice.
Paniwala naman nila, posibleng sa Hulyo pa maramdaman ang mas mababang taripa sa imported na bigas pero hindi nila masabi sa kung magkano ang maibabawas sa presyo nito.
Samantala, nananatili naman sa ₱48 hanggang ₱50 ang bentahan ng locally produced well milled rice sa palengke.
Habang mayroon namang ₱46 kada kilo ng regular-milled na bigas, pero ito ay hindi gaanong mabenta dahil sa kalidad. | ulat ni Jaymark Dagala