Tinawag na “fake news” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kumakalat na larawan sa social media hinggil sa umano’y “massive shipment” ng mga kagamitang pandigma ng Amerika sa Pilipinas.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang kumakalat na larawan ay kuha pa noong 2022 at ito ay ang paghahatid ng US$2 bilyon na security assistance ng Amerika sa Ukraine.
Pinabulaanan din ng AFP ang muling paglutang ng screenshot ng mensahe mula sa isang “General David” na nagsasabing nakataas ang Red Alert status sa hanay ng militar at tumanggap ito ng mga kagamitang pandigma.
Giit ni Trinidad, luma at peke ang naturang ulat at kanila na itong pinabulaanan noon pang 2021.
Kasunod nito, tiniyak ng AFP sa publiko na mahigpit nilang binabantayan ang lahat ng mga pangyayari at hinikayat nito ang publiko na ugaliing kumuha ng tamang impormasyon mula sa lehitimo at mapagkakatiwalaang source.| ulat ni Jaymark Dagala