Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na tugma ang fingerprints ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa isang Chinese na nagngangalang Guo Hua Ping.
Sa mensahe ni NBI Chief Jaime Santiago sa Radyo Pilipinas, sinabi nito na nag-match ang fingerprint ni Guo Hua Ping na kinuha noong 2006 sa fingerprint ni Mayor Guo.
Nagpapatunay aniya ito na si Alice Guo at si Guo Hua Ping ay iisang tao lamang.
Ayon kay NBI Chief Santiago, matibay na ebidensya ang fingerprint kaugnay sa pagkakakilanlan ng isang tao.
Matatandaang iniimbestigahan at kinasuhan na si Mayor Guo dahil sa pagkakaugnay nito sa mga operasyon ng iligal na POGO na ni-raid sa bayan ng Bamban noong Marso.
Sa ngayon ay isinumite na ng NBI ang kanilang findings sa Senado. | ulat ni Diane Lear