Kinukumpara na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang fingerprints nina suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng isang Chinese National na si Guo Hua Ping.
Matatandaang pinaniniwalaang ang Chinese national na si Guo Hua Ping, na natuklasan sa record ng Board of investments (BOI), ang totoong pagkatao ni Mayor Alice.
Sa pagdinig ngayong araw, sinabi ni Senate Committee on Women chairperson Senadora Risa Hontiveros na nagpadala na siya ng request sa NBI ng biometrics data nina Guo Hua Ping at ni Alice Guo.
Nakuha na aniya nila ang fingerprints ng mga ito at kasalukuyan na itong inaalisa.
Kung mapapatunayang iisa lang sina Guo Hua Ping at ang suspendidong alkalde, lalakas ang ebidensyang hindi ito tunay na Pilipino.
Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na makakatulong ito para mapalakas ang quo warranto case na inihahanda ng office of the solicitor general laban sa alkalde.| ulat ni Nimfa Asuncion