Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang Firearms and Explosives Office na tapusin sa loob ng dalawang buwan ang pagpapabilis ng renewal ng lisensya ng baril kabilang ang paglalagay ng mga tanggapan sa Visayas at Mindanao para sa pag-isyu ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR).
Ito ang sinabi ni Gen. Marbil sa mga mamamahayag matapos dumalo sa Tactical, Survival and Arms Expo sa Mandaluyong City kahapon.
Paliwanag ni Gen. Marbil, ang paglalagay ng mga FEO Hub sa Visayas at Mindanao ay para hindi na mahirapan pang pumunta sa Camp Crame para kumuha ng Permit to Carry (PTC) ang mga taga-roon na may lehitimong banta sa buhay.
Sinabi pa ni Gen. Marbil na kino-computerize ng FEO ang kanilang sistema para maging mas simple ang renewal process para sa License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Sa pamamagitan aniya nito ay hindi na kailangang magpunta sa Camp Crame ang mga aplikante para sa Neuro at Psych test, at maaring gawin nalang ito sa mga accredited Centers at i-upload ang resulta sa sistema ng FEO para sa renewal ng PTCFOR. | ulat ni Leo Sarne