Siniguro ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo na magpapaabot ng tulong ang Kuwait government sa mga Pilipinong naapektuhan ng sunog sa isang residential building doon, partikular ang tatlong OFW na nasawi at dalawa na nasa kritikal ang kondisyon.
Isang araw matapos ang trahedya ay nagkaroon ng pagkakataon si Salo na makapulong si First Deputy Prime Minister of Kuwait at kasalukuyang Minister of Defense and Interior Fahad Yousuf Saud Al-Sabah.
Ayon aniya sa opisyal, magkakaloob ang Kuwaiti government ng tig-15,000 US dollars sa bawat pamilya ng OFW na naapektuhan.
Sabi pa ni Salo, nangako rin si Fahad na tutulong sa agarang repatriation ng mga labi ng nasawing OFW.
“We thank His Excellency Fahad and to the Kuwait Government for the financial assistance to the families of the OFW victims. It is a resounding proof of Kuwait’s Government’s genuine concern on the welfare of our kababayans working in Kuwait,” sabi ni Salo.
Kasabay nito ay nagpaabot ng pakikidalamhati si Salo sa pamilya ng mga biktimang OFW.
Nagpasalamat din ang mambabatas sa mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait partikular si Ambassador Jose ‘Pepe’ Cabrera, at DMW Labor Attache Atty. Manuel Dimaanosa mabilis na aksyon para tulungan ang ating migrant workers
Nataon na umiikot sa Dubai, Abu Dhabi, Kuwait at Qatar si Salo upang alamin ang kasalukuyang working conditions ng mga OFW doon at nakiisa rin sa selebrasyon ng Independence Day.
“Facing numerous challenges such as cultural differences and the emotional pains of being separated from their families, our OFWs deserved our support and assistance, and to make them feel that we are here them. It is the least that we can do as they make sacrifices for their families back home,” sabi pa ni Salo. | ulat ni Kathleen Forbes