Pinarangalan ng Design Center of the Philippines ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga natatanging disenyong Pilipino sa ginanap na 2024 Good Design Award Philippines sa The Globe Tower sa Taguig City.
Sa kaganapanan, kinilala ang ang First United Building sa Escolta, Maynila kung saan nasungkit nito ang Malasakit Gran Prix Award.
Ang makasaysayang Art Deco landmark, na dating Perez-Samanillo Building na naitayo noong 1928, ay muling na-restore upang maging sentro ng creative communities.
Dinisenyo ni Andres P. Luna, ang muling paggamit ng gusali ay sumasalamin sa sustainable preservation kung saan maaaring mapanatili pa rin sa kasalukuyan ang kahalagahang pangkasaysayan nito.
Pinuri naman ni Jury Chair Mylene Abiva, ang proyekto, at binibigyang-diin ang papel nito sa muling pag-usbong ng Escolta at pag-akit pa ng mga bisita, na nagpapakita umano sa kapangyarihan ng preservation at design sa pagpapaunlad ng mga komunidad.
Samantala, nagwagi rin ng Gold Awards ang Right to Care Card ng Lungsod Quezon dahil inclusive design nito, na nagbibigay-kakayahan sa mga LGBTQIA+ couples na makagawa ng mga desisyong medikal sa kanilang partner sa panahon ng emergency.
Bukod dito, ang Philippine Textile Table Swatchbook ng ANTHILL Fabric Factory ay nagkamit rin ng Gold Awards dahil sa makabago nitong pagpapakilala ng mga katutubong tela.
Kinikilala sa Good Design Award Philippines ang mga makabago at epektibong disenyo mula sa bansa na layuning itampok ang mga disenyo na nagpapakita ng functionality, aesthetics, at innovation habang hindi kinakalimutan ang Filipino value ng malasakit.
Saklaw ng parangal ang iba’t ibang kategorya na bukas sa mga disenyo magmula sa parehong pribado at pampublikong sektor. | ulat ni EJ Lazaro