Pinangunahan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos kasama sina Senador Imee Marcos, Senador Koko Pimentel, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan, Former Chief Justice Renato Puno, mga kasalukuyan at dating kawani ng NBI ang pagsasagawa ngayong araw ng groundbreaking para sa konstruksyon ng bagong gusali ng ahensya na itatayo sa dating kinatitirikan ng dating headquarters nito sa Ermita, Maynila.
Sa groundbreaking ceremony, nagpasalamat si Dir. de Lemos sa mga mambabatas para sa pagsuporta ng mga ito sa kanilang proyekto upang gawing moderno ang NBI sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong gusali nito.
Sa kaparehas na kaganapan, dito rin inilahad ni Senador Imee Marcos na 2015 pa umano ay idineklara ng condemned ang lumang building ng NBI na itinayo pa umano panahon pa ng kanyang ama noong 1975 at unfit na taong 2019 pa ayon sa Manila LGU.
Kaya naman ayon sa Senadora, napapanahon na raw ang kontruksyon ng bagong gusali para sa NBI para na rin sa kaligtasan ng mga imbestigador at empleyado ng ahensya.
Nakakahiya rin ayon sa mambabatas na kung gobyerno pa raw ang unang lalabag sa building at fire code na ipinapatupad nito.
Inilahad din ng senadora ang buong suporta nito para sa proyekto at mga programa ng NBI kabilang na ang paglaban sa makabagong mga uri ng krimen sa panahon ng internet at artificial intelligence.
Tinatayang aabot naman sa higit P430 milyon ang halaga ng kontruksyon para sa Phase 1 ng itatayong modernong building ng NBI na inaasahang matatapos sa taong 2026 o 2027.
May estimated project cost naman na aabot sa P2.5 bilyon ang kabuuang proposed building project kasama rito ang para sa site development ng modern NBI building.
Kasabay nito, mayroon anim pang mga opisina ng NBI sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang kasalukuyan ding itinatayo. | ulat ni EJ Lazaro