Inanyayahan ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na makilahok sa 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong alas-2 ng hapon.
Tampok sa pagsasanay sa pagkakataong ito ang activation ng “Harmonized National Contingency Plan” (HNCP) para sa isang Magnitude 7.2 na lindol na inaasahan sa pagkilos ng West Valley Fault.
Base sa HNCP, ang iba’t ibang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRMMC) sa Luzon ay tutulong sa pagresponde sa lindol sa Metro Manila kung saan binigyan sila ng kani-kanilang area of responsibility.
Ang RDRMMC Region 1 ang naka-assign sa North Sector ng Metro Manila, ang RDRRMC Region 2 naman sa East Sector; ang RDRMMC Cordillera (CAR) sa West Sector, at RDRRMC Region 5 sa South Sector.
Sa pagsasanay ngayong araw, ang mga contingent ng mga nabanggit na RDRRMC ay nakatakdang dumating sa Metro Manila para magtayo ng alternatibong operations center sa kani-kanilang naka-assign na lokalidad.
Ang seremonyal na lugar para sa palatuntunan ng NSED ay sa RED Training Center, sa Pasig City kung saan oobserbahan ng mga opisyal ang full-scale exercise. | ulat ni Leo Sarne