Inilunsad ng Coast Guard District sa North Eastern Luzon (CGDNELZN) ang dalawang bagong high-speed response boat na sinasabing magpapalakas ng kanilang operasyon sa pag-rescue.
Sa isang seremonya nitong linggo, ipinakilala ang dalawang bagong high-speed response boats na HSRB-017 at 018 sa pangunguna nina Commander Coast Guard na si Captain Ludovico Librilla Jr. at Secretary Katrina Ponce Enrile ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
Dito binanggit ni Captain Librilla ang pagiging state-of-the-art at pagkakaroon ng cutting-edge navigational equipment ng mga bagong response boat ng kanilang hanay. Sinabi rin nito na ito ay magiging mahalagang kagamitan para sa kanilang misyon sa pagligtas ng buhay at ari-arian sa karagatan.
Pinuri naman ni Deputy Administrator Atty. Michelle de Guzman, sa ngalan ni Sec. Enrile, ang dedikasyon at ang technological advancement sa Coast Guard.
Bukod dito, nagsagawa rin ng sea trial ang PCG Auxiliary para sa kanilang Rigid-Hulled Inflatable Boat (RHIB) na nagpapakita umano ng dedikasyon ng Coast Guard sa kaligtasan sa dagat at pagsulong sa kanilang commitment na protektahan ang katubigan ng bansa.| ulat ni EJ Lazaro