Mula Enero hanggang Mayo 15,2024, kabuuang 1,603.53 tonelada ng pinaghalong solid waste at water hyacinth ang naalis ng Department of Environment and Natural Resources-Pasig River Coordinating and Management Office (DENR-PRCMO) sa Pasig River at tributaries nito.
Ayon sa DENR-PRCMO, isinasagawa ang clean-up operations araw-araw, bilang bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program.
Nakatutok ang clean-up operations sa priority areas tulad ng Pasig River mula Del Pan Bridge, Tondo, Maynila hanggang sa San Juan River at magtatagpo sa Sta. Ana, Maynila; San Juan river at 25 minor tributaries.
Kasama din ang Philippine Coast Guard sa multi-sector clean-up activities at community clean-up drives sa mga bahagi ng Pasig River sa Malacañang Restricted Area, iba pang National Government Agencies, local government units at pribadong sektor.
Patuloy ding sinusubaybayan ang 47 minor tributaries ng Pasig River at tatlong major tributaries, ang mga ilog ng Marikina, San Juan, at Taguig-Pateros.
Mahigpit ang koordinasyon ng DENR-PRCMO sa iba pang NGA at siyam na LGU sa kahabaan ng Pasig river, tulad ng mga lungsod ng Maynila, Makati, Mandaluyong, Marikina, Pasig, Lungsod Quezon, San Juan, Taguig, at munisipalidad ng Pateros.| ulat ni Rey Ferrer