Umabot na sa higit 200 residente sa La Castellana, Negros Occidental ang pansamantalang lumikas sa mga evacuation center kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay La Castellana Mayor Alme Rhummyla Nicor-Mangilimutan, naka-standby na ang mga rescuer at mga ipinagkaloob na sasakyan sa bawat barangay ng kanilang bayan para sa rescue operations.
Ngunit dahil sa zero visibility bunga ng pag-ulan, pansamantala munang itinigil ang operasyon sa ilang mga lugar.
Ibinahagi rin ng alkalde na nakahanda na ang mga food items na ipamamahagi sa mga apektadong residente.
Samantala, dahil sa posibleng epekto ng mga umulang asupre, nangangamba ang alkalde na baka kukulangin ang supply ng kanilang malinis na tubig.
Kung lalong lumala ang kondisyon ng Bulkang Kanlaon, aabot sa 23,000 na kabahayan sa buong La Castellana ang maaaring maapektuhan.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng pamahalaang bayan ang sitwasyon sa lugar at inaaral din ang posibleng pagpapatupad ng work suspension.| ulat ni JP Hervas| RP1 Iloilo