Aabot sa 53,393 examinees ang kukuha ng pagsusulit para sa Fire Officer Examination (FOE) at Penology Officer Examination (POE) bukas, Hunyo 2,2024.
Tiniyak ng Civil Service Commission ang kahandaan nito para sa FOE at POE examinations, na isasagawa sa 16 na rehiyon sa buong bansa.
Pinaalalahanan ni CSC Chairperson Karlo Nograles ang mga examinee na kailangang dumating sa testing center bago ang alas-6:30 ng umaga o gaya ng iniaatas ng CSC Regional o Field Office.
Dahil pagsapit ng alas-7:45 ng umaga ay isasara na ang gate at lahat ng late ay hindi na papayagang makapasok at kumuha ng pagsusulit.
Mahigpit na ipinagbabawal ng CSC ang paggamit ng mga calculator, tablet, aklat, diksyunaryo at iba pang electronic device sa parehong pagsusulit.
Sinumang makapasa sa pagsusulit ay pagkakalooban ng Fire Officer Eligibility at Penology Officer Eligibility. Parehong mga second level eligibility na iniayon para sa appointment sa second level ranks sa fire protection at jail management and penology services, pati na rin ang iba pang functionally related services. | ulat ni Rey Ferrer