May 754 partner-beneficiaries ng Project LAWA at BINHI sa Quirino Province ang pinagkalooban ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development.
Ayon sa DSWD, partikular na nagmula ang mga benepisyaryo sa bayan ng Maddela at Nagtipunan ng lalawigan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Risk Resiliency Program ng DSWD Region II sa Cagayan Valley.
Bawat partner-beneficiary ay nakatanggap ng Php8,400 matapos lumahok sa dalawampung araw na programa ng cash-for-training at cash-for-work activity.
Ang Project LAWA at BINHI o Local Adaptation to Water Access at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished ay idinisenyo upang palakasin ang katatagan ng mga mahihirap at mahihinang pamilya laban sa masamang epekto ng pagbabago ng klima tulad ng El Niño at La Niña. | ulat ni Rey Ferrer