Tinatayang higit sa 700 job seekers ang na-hired-on-the spot para sa mga trabaho sa Taiwan sa isinagawang espesyal na Job Fair at Career Expo sa Ilagan City Isabela nitong linggo.
Ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang naturang aktibidad ay nag-alok ng 2,000 job opening mula sa mga Taiwanese company, karamihan para sa mga factory worker.
Sinabi ni MECO Chairman Silvestre Bello III, ito ang unang job-matching event ng mga kumpanya mula Taiwan sa Pilipinas na dinaluhan ng 3,500 job seekers.
Wala ring placement fees umano ang nasabing alok na trabaho sa Taiwan na nilahukan ng anim na recruitment agencies mula sa Responsible Business Alliance.
Bukod dito, tatlong unibersidad ang nagbigay ng scholarship sa 20 na pre-qualified na estudyante na kailangang sumailalim sa karagdagang evaluations.
Plano namang magsagawa ng katulad na aktibidad sa Metro Manila bago matapos ang taon sa pangunguna ng MECO at ng Department of Migrant Workers (DMW).
Sinuportahan din ng Public Employment Service Office ng Isabela at ng lokal na pamahalaan ng Ilagan at Isabela ang nasabing kaganapan. | ulat ni EJ Lazaro